Friday, December 15, 2017

Story of Andrei Villato KALAYAAN ATIN ITO volunteer from Biliran Province.

Story of Andrei Villato  KALAYAAN ATIN ITO volunteer
from Biliran Province.


Nov. 28, 2016 Labing isa kaming mga studyante ng Naval State University ang lumuwas papuntang Manila, para sumama sa paglalayag papuntang Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
Habang lulan kami sa loob ng eroplano sumagi sa isip ko ang kaba kung itong puntahan namin ay makabubuti ba para sa aming mga sarili, subalit inisip ko nalang na ito ay gagawin ko para sa Bayan.

Makalipas ang ilang araw na pamamalagi sa Taytay Rizal na kung saan matagpuan ang headquarters ng grupo ng KALAYAAN ATIN ITO ay tumulak na kami lulan ng barko papunta ng Puerto Prinsesa Palawan, kasama ang walumpot walong volunteers (88) na nanggagaling sa ibat ibang sulok ng bansa mula Batanes hanggang Tawi-tawi.

Sa awa ng Dyos maganda ang naging paglalayag namin papunta sa Palawan sakay sa isang pampasaherong barko.
Pagdating namin sa Puerto Princesa ay kinupkop kami ng tatlong araw ng Palawan State University sa pangunguna ni Dr. Jeter Sespeñe PSU President, habang inaayos ang aming camp site sa Brgy. Buenavista Puerto Princesa Palawan,  ang lugar na ito ay katapat mismo ang West Philippine Sea.

Nung nasa Buenavista na kami araw araw ay may mga aral kaming natutunan, dahil may mga lecture ang aming mga elder volunteers sa ilalim lamang ng punong kahoy, katulad ng nation building, tungkol sa United Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at maraming pang mga pagtuturo na kung saan ay nakatuon patungkol sa hidwaan ng China at tunay na kalagayan ng bansang Pilipinas.

Di maikaila na sa mga unang linggo ay naroon ang hindi pagkakasundo ng grupo dahil na din kami ay nanggaling sa ibat-ibang kultura at paniniwala,  may  Kristyano,  Muslim at ibat ibang relihiyon at kasarian kompleto lahat ang grupo  karamihan mga kabataan na edad 15 hanggang 20.

Subalit nang makalipas ang mga araw ay nagkakasundo na din at napamahal na sa bawat isa. Lumipas ang mga araw at sinubok ang tatag ng grupo dumaan ang bagyo, malakas na hangin at ulan subalit matatag pa lalo kami at hindi nag isip na umatras sa tunay na hangarin,  kahit na kami ay nakatira sa tent init man at ulan ito ay kaya naming tiisin.

PAGTAKAS AT PAGLALAYAG
 Dumating ang takdang araw ng paglalayag papunta sa isla ng Pag-asa subalit ito ay hindi madali sa kadahilanang marami ang gustong pumigil sa adhikain at layunin ng grupo.  Ang Gobyerno sana na maging sandalan at katuwang ng grupo sa simula pa lamang ng planong paglalayag ay sya din ang pumipigil sa grupo upang hindi matuloy ang PAGLALAYAG sa hindi maipaliwanag na dahilan. Police, Army, Navy at Coast Guard ay nakabantay sa amin araw araw kasama na ang media.

December 23 2016 ang planong paglalayag at pagtakas sa mga nakapaligid na bantay,  isang kilos ordinaryong araw sa karamihan subalit ang lahat ng ito ay pakitang tao lamang,  bago sumapit ang nasabing araw gabi pa lamang ay planado na ang aming pagtakas sa hukbong sandataang lakas ng bansa.

Hinati ang grupo sa dalawa at ipinalabas na ipapasyal lamang kami sa sikat na underground river ng Palawan.
Subalit ang kalahati lamang ng grupo ay ang ipapasyal sila yung nag sakripisyo na hindi makasama sa isla ng Pag-asa.

Di maikaila na tutok ang nasabing mga bantay sa amin kaya natunugan nila ang plano at nasundan ang aming grupo kahit pa anong pagpalipat lipat ng sasakyan at pumasok sa isang malaking mall sa Palawan at kunyari ay namamasyal lamang talaga.

Halos buong araw na kaming tumakas sa mga nakabantay sa amin subalit nakabuntot pa din sila sa amin.  Ngunit wala silang alam kung saan kami sasakay at kung anong barko ang sasakyan namin.
Alas 7 ng gabi ng kami ay tuluyang nakatakas sa mga nakabantay sa amin.
Lulan kami ng tour bus at habang nasa byahe hindi namin alam kung saan ang aming barko na sasakyan isa ito sa stratehiya ng aming nakakatandang volunteers upang kami ay makatakas sa mga hukbo ng gobyerno.
Hanggang sa inabot na ng sampung oras ang aming byahe at nababasa ko lang sa gps map ko ay ang lugar ng Narra,  Brookspoint hanggang Buliloyan sa Bataraza ang lugar na ito ay ang pinakadulo ng Palawan katapat na ng Sabah sa Malaysia.

Sa pinakadulo masukal ang daan at hanggang tuhod ang putik at hindi na maaring tumuloy ang mini tour bus na aming sinasakyan.
Kinailangan naming maglakad sa maputik na daan bitbit ang aming mga kagamitan at dalang tubig at pagkain hindi namin alam kung gaano pa kalayo ang aming lalakarin at makalipas ang halos kalahating oras na paglalakad may isang malaking truck na kayang soungin ang maputik na kalsada lulan dito ang isa naming kapwa volunteer kinailangan pa nyang kausapin ang driver ng truck at bayaran upang kami lamang ay maisakay. Halos 20 kilometro pa ang layo bago namin narating ang kinaroroonan ng barko na aming sakyan.


December 24, 2016 Alas syete ng umaga ng narating namin ang barko na naghihintay sa amin, nagulat ang mga tao sa paligid ng daungan na may biglang grupo ng kabataan ang nagmamadaling bumaba sa truck at sa ilang minuto lamang ay naikarga na namin ang lahat ng aming kagamitan. Yung feeling na kami ay nakasakay na sa barko at wala nang makakahadlang sa aming layunin sobrang saya na hindi maipaliwanag.

Alas syete ng umaga pumalaot na ang barko na aming sinasakyan mula sa daungan ng Buliloyan at pagdating na alas tres ng hapun sa kalagitnaan ng aming byahe napansin namin na di sa kalayuan may nakasunod sa amin ng mabilis na barko na tipong hinahabol kami at tama ang aming hinala nasundan kami ng mga taong pigilan ang aming matiwasay na paglalayag.

Sa bilis ng takbo nasa harap na kaagad namin ang barko ng navy na humaharang sa barko na aming sinasakyan. Wala kaming magawa kundi ang tumigil at makipag usap sa hukbo na humarang sa amin hawak nila ang mahahabang kalibre ng armas at pinagsabihan kami na bumalik at sumama sa kanila, subalit ang grupo namin ay buo pa din ang panindigan at ipagpatuloy ang hangarin na marating ang isla ng Pag-asa. Lumipas ang halos isang oras na negosasyon wala na silang magawa kundi ang hayaan na lamang kami na magpatuloy.
Tinahas namin ang madilim na gabi sabay hampas ng malalaki at malakas na alon.December 25, 2016 alas dyes ng umaga narating namin ang First Thomas Shoal isa sa maraming mga bahura na matatagapuan sa West Philippine Sea.  Sabay naming pinagsaluhan ang almusal na hot noodles at naka pack na sardinas at kanin, ito na ang aming pagdiriwang sa araw ng pasko.

Patuloy kaming naglalayag at mas lalong lumalakas ang alon lahat ay hindi makatayo at hindi maka kain dahil karamihan ay sumusuka, ito ang aming karanasan sa loob ng dalawang gabi at tatlong araw bago namin narating ng ligtas at buhay ang Isla ng Pag-asa.

ISLA NG PAG-ASA
December 27, 2016 makalipas ang tatlong araw ay sa wakas narating namin ang isla subalit hindi kami makadaong dahil walang pantalan ang naturang isla, sa tuwa ng aming apat na kasamahan minabuti na nilang lumangoy papunta sa isla ng Pag-asa upang makahanap ng maliit na bangka para tuluyan kaming makatapak sa lupain ng Pag-asa. Samantalang kaming mga naiwan sa barko ay isinakay sa rubber boat ng mga sundalo at malugod nila kaming tinanggap sa isla.

ISLAND ACTIVITY
Kagaya ng sa Buenavista naglatag din kami ng tent sa tabing dagat at ito naman ay kaharap mismo sa ginagawang artificial island ng China na tinatawag na Subi Reef.

December 28, 2017 dumating ang tulong galing sa gobyerno lulan ng isang maliit na eroplano dala nila ay mga pagkain katulad ng sardinas, corned beef, tubig, biscuits, packed juices, beer, soft drinks at ilang box ng donut. Agad kung minungkahi sa aming mga kasamahan na ipamahagi namin ang mga ito sa kabahayan sa isla dahil sila ay bihira lamang makatikim oh baka yung ibang mga kabataan na nakatira doon ay di pa naka kain ng donut.

Ginawa namin ang pamamahagi sa pamamagitan ng pagbigay awiting pang pasko sa bawat kabahayan. Luha at saya ang aming naramdaman sa tuwing nakikita namin ang mga ngiti at tuwa ng bawat tao na nanirahan sa mga kabahayan doon sa isla. 

Pagkatapus ng aming mga awitin nag aabot sila ng pera sa amin at ito ay aming tinanggihan sapagkat ang aming pakay ay handogan namin sila ng awiting pang pasko at bibigyan namin sila ng pamasko na galing sa aming mga puso,  box ng donut na may kasamang soft drinks at mga juices bilang aming handog na pamasko sa kanila.

 Karamihan sa mga tao doon ay naluluha  subalit nakangiti luha ng kaligayahan at nadama nila na sa oras na kagipitan kahit gaano man sila kalayo ay may mga Pilipino na handang mag sakripisyo kahit sa anong paraan para lamang makapagbigay ng saya at tulong.

Inimbitahan din namin sila sa kunting salo-salo kinagabihan pinagsaluhan namin ang kung anong merun kami na pinadala mula pa sa Palawan katulad ng pancit spaghetti at kunting alak. Sa unang pagkakataon nagsama-sama ang mga taong nakatira sa isla ang mga magigiting nating mga hukbo ng sandataang lakas na Pilipino naroon ang navy, marines at coast guard at dalawang nurse na doon naka assign. At natapus ang gabi na puno ng saya at pagkakaisa bilang mga Pilipino.

Makalipas ang isang araw ng sanib pwersa ulit kaming lahat na mga Pilipino na naroon sa isla upang si inang  kalikasan naman ay lumigya, dala ang ibat ibang uri ng lalagyan inikot namin ang buong aplaya at dalampasigan upang pulutin ang halo halong basura na dumaong sa isla na dinala ng hampas ng karagatan. Bote at plastic na maaring naanod papunta sa isla palatandaan na ito ay galing sa ibang bansa dahil sa mga nakasulat na ibat ibang linguahe.

Bawat araw nakikisalamuha kami sa mga nakatira sa isla at nakikipaglaro sa mga kabataan at ang ibang kapwa ko volunteers ay tinuturuang kumanta ang mga bata at habang ginagawa namin ang mga ito patuloy ang paglipad ng mga helecopter ng China umiikot sa buong isla na tila nagmamasid sa amin may mga barko din ng Chinese coast guard na araw at gabi ay nakaharap sa pampang na kung saan nandun ang aming mga tent.  Kitang kita sa gabi ang napakaliwanag na Subi Reef na tinayuan ng artificial island ng China.

January 1, 2016 nagdiriwang kami ng bagong taon sa Pag-asa island na walang komunikasyun sa aming mga kaanak o mga magulang dahil pagdating pa lamang namin sa isla unang araw may signal pa ang mga telepono namin subalit pinatay ito sa hindi namin malamang dahilan subalit hindi ito naging hadlang para sa amin.

Matapus ang isang linggo na paninirahan sa isla ng walang kuryente at signal ng telepono napagpasyahan ng grupo na bumalik na sa Puerto Princesa dahil paubos na din ang aming dalang mga pagkain. May dalawang tindahan sa isla subalit ang kanilang paninda ay sapat lamang sa mga taong nakatira doon at hindi na kami makikihati pa kahit na amin itong babayaran paano kung may masamang panahon ang darating maaring maubusan sila ng pagkain at magugutom.

Naglayag ulit kami ng tatlong araw at sinuong na naman ang malalaking hampas ng alon at gutom dahil mas gustohin mo na lamang na nakahiga ka sa buong maghapun at magdamag dahil mahihirapan kang tumayo para kumain dahil sa lakas ng galaw ng barko sabay sa hampas ng alon.

Isa isa kong nakikita ang paghihirap ng kasamahan ko sa byahe suka doon suka dito subalit ng kami ay nakabalik na sa Buenavista pinagtatawanan na lamang namin ang bawat isa at nanaig pa din ang tatag at tibay ng loob at sakripisyo alang alang sa inang bayan at sa mga Pilipino at higit sa lahat ang maipakita sa buong mundo na handang magkakaisa ang mga Pilipino para sa iisang layunin.

PAGLALAYAG SA BUWAN NG KALAYAAN!
Matapus ang paglalayag sa Pag-asa island ay sumunod naman ang paglalayag sa Scarborough Shoal June 12, 2016 at isa ulit ako na sumama sa 22 hours na byahe mula sa bayan ng Masinloc Zambales at narating namin ang Panatag Shoal o mas kilala sa tawag na Scarborough Shoal. Lulan ng isang barko ng pangisda ang 22 volunteers pakay ng grupo na maitayo ang watawat ng Pilipinas sa araw mismo ng pag gunita ng ika 118 na Kalayaan mula sa panankop ng Espanya.

Subalit iba ang naging karanasan namin ng kami ay naroon na sa bungad ng bahura, hinarang kami ng naglalkihang barko ng Chinese Coast Guard hawak ang kanilang mga mahahabang baril at sinigawan kami na ang lugar na iyon ay pag aari ng China at kami ay pilit nilang itinaboy.
Malakas ang aming loob kahit baril ang hawak nila at samantalang kami ay tanging mga cellphone lamang ang nakatutok sa kanila habang naka video record ang bawat galaw nila.

Makalipas ang halos isang oras na palitan ng sigawan dala na din sa hindi pagkaka intindihan dahil sa hirap silang mag ingles. Isa sa aming kapwa volunteer na si Vera Joy Ban-eg ng Baguio City ang tumalon dala ang watawat, water proof iphone at Go-pro camera kasama ang isang tripolante ng barko na aming sinasakyan. Nilangoy nya ang halos 50 metro na layo ng bahura sabay ng malakas na agus ng dagat ay hinarang sya ng speed boat ng Chinese coast guard at halos pataamaan sa elise ng speed boat at pilit na inagaw sa kanya ang bitbit nya kaya nahulog ang Go-pro camera at hindi na ito nakuha pa.

Hindi ko maaring panuorin lamang ang pangyayari na iyon ng wala akong ginagawa at minabuti ko ang tumalon na rin, sa pamamagitan ng pag hudyat ni Mariel Ipan ng Cagayan De Oro ay magkasunod kami na tumalon upang ibaling sa amin ang atensyon ng mga walang pusong Chinese na mga iyon. Isa din si Gary ng Batanes ang tumalon at tinahas ang ibang landas. Dala ni Mariel ang maliit na watawat kahit umaasa lamang sya sa suot nya na life jacket napagtanto ko na hindi pala sya marunong lumangoy,  kaya minarapat ko na balikan sya at gabayan bumulong na lamang sya akin na handa syang mamatay basta para sa bayan.
Matagumpay na naiwagayway ni Mariel ang maliit na bandila at pilit ko syang inaangat, sa ilalim ako ng dagat upang maitaas pa nya lalo ang hawak nyang bandila. At dahil sa kaganapang iyon kami naman ang pinagbalingan at sinimulang bugahan ng elesi ng speed boat at pilit inaagaw ang bandila na hawak ni Mariel, inabot ni Mariel sa akin ang watawat upang aking maitago at tuluyan kaming tinantanan ng mga Chinese Coast Guard.


Muli kong inangat ang watawat sa ngalan ng tagumpay habang ako ay lumalangoy papalapit sa barko na aming sinasakyan. Para sa amin kahit maliit na bandila lamang ang aming naiangat at naiwagayway sa araw ng KALAYAAN SA SCARBOROUGH  SHOAL napakalaking mensahe na nuon sa buong mundo na kami at tayong mga Pilipino ay handang ipaglaban ang ating kasarinlan kahit buhay pa natin ang kapalit.

PAGLALAYAG SA AYUNGIN SHOAL

Kaparehong buwan at taon June 28, 2016 ang paglalayag ng grupo sa Ayungin Shoal,. Pakay namin ang makapag dala ng pangunahing supply ng pagkain at iba pa sa mga hukbong sandataan lakas ng ating bansa. Sila ay lulan at nakatira sa nakasadsad at makalawang na barko na kung tawagin ay BRP Siera Madre.

Subalit ang aming paglalayag ay sinubok ng panahon at katatagan mula sa daungan ng Bataraza sa Brooks Point Palawan, pinigil kami ng coast guard subalit wala silang magagawa dala ng aming pakiusap at pilit na pagtakas. Kinagabihan sa aming paglalayag nasalubong namin ang malalakas na unos ng alon, ulan at hangin. Lulan ng isang maliit na bangka na may katig kasama ang 17 volunteers mula sa ibat ibang lugar at isang 4 years old na si Jerimiah kasama ang kanyang ina na si Sigrid Dickerson ng Mindoro.

Naisipan ng kapitan ng bangka na bumalik kami sa pinakamalapit na aplaya para na din sa aming kaligtasan dahil hindi kayang suongin ng bangka na di katig lamang kung patuloy at lumala ang ganung sitwasyun, at hindi nga nagkamali si kapitan dahil malakas na bagyo pala ang aming kaharapin kung kami ay nagpatuloy.  Sumilong kami sa Buliloyan at naghintay ng tatlong araw upang humupa ang bagyo,  naubos namin ang dala naming letson baboy na para sana sa mga marines na aming madatnan sa Ayungin Shoal.

Kinupkop kami ng mga Pilipino Muslim sa kanilang bakanteng pahingahan katabi ng kanilang Mosque. Makalipas ang tatlong tumuloy na kami sa aming paglalayag may mga kasamahan kami na hindi na tumuloy at pinili na lamang na hintayin ang aming pagbabalik dahil na din sa takot na muli ay may unos na naman kaming makasalubong. Subalit kabaliktaran ng kanilang iniisip sa buong halos 20 hours naming paglalayag ay sobrang kalamado ang dagat at mala langis ang linaw nito at naging masaya ang aming paglalayag kahit maliit lamang na bangka ang aming sinasakyan.

Makalipas ang mahabang oras ng byahe tanaw na namin ang mga iilang malalaking barko kaya di namin matukoy kung alin sa mga ito ang BRP Sierra Madre. Habang tinahas namin ang bahura sa malapitan may malakas na tunog ng barko ang kumuha ng aming pansin at ito pala ay malaking Chinese Coast Guard na nakabantay sa di kalayuan ng bahura subalit wala na silang magawa upang kami ay harangin dahil nasa mababang parti na kami ng bahura at di na nila kami kayang habulin dahil maaring sumadsad sa mga corals ang kanilang malahiganteng puting barko.

Sinalubong kami ng speed boat ng ating mga marines puno ng mga ngiti ang kanilang mukha at nagkakamustahan kami habang kami ay kanilang sinabayan papunta sa nakasadsad na barko.

Hindi ko mapigil ang maluha sa nakita kong kalagayan ng ating mga marines na nakaduty doon, nakatira sila sa puro kalawang na barko para lamang bantayan ang lugar na iyon upang hindi makapag patayo ng artificial island ang mga Chinese sa lugar.

Inabot namin sa kanila ang dala naming supply, sabon, shampoo, gitara, buhay na mga manok at buhay ng mga kambing at iba pa na maari nilang mapakinabangan. Sa unang pagkakataon umalingawngaw ang lugar na iyon sa tinig na maingay na 4 years old na si Jerimiah dahil tuwang tuwa ang bata habang lumalangoy sa mala crystal na linaw ng dagat.

Sa bawat lugar na aming pinupuntahan ay inaawitan namin ito ng Lupang Hinirang na may patak ng luha dala ng saya at pagmamahal sa bansang Pilipinas.

WAKAS...

No comments:

My first blog this blogs contents my personal and my daily lives. Another best in my site is you can learn a lot of things about moneymaking online.